Tuesday, November 25, 2008

Iisa Pa Lamang - Episode 76

Super love ko si Gabby Concepcion kaya habang nanunood ay sinusulat ko rin ang napapanuod kong eksena para puede kong balik-balikan at paulit-ulit kiligin (haaay gabbylicious talaga! hahaha)

Sa Amadesto. Habang hinihintay ni Isadora ang pagdating ni Sofia ay nagmumuni-muni ito at naglalaro sa kanyang isipan ang mga kalupitan at mga kasinungalingan niya kay Miguel mula noong bata pa ito. Napaluha si Isadora nang maalaala ang huli nilang pag-uusap ng panganay na anak... punong puno ng hinanakit at pagdaramdam para sa ina si Miguel kaya nasambit nito na sana ay hindi na lamang si Isadora ang kanyang ina. Nagbalik rin sa isipan ni Isadora ang mga naging pag-uusap nila ng anak na si Sofia... ang mga nalalaman nito at katanungan hinggil sa kanyang tunay na ama. Nang dumating si Vernon ay kaagad na pinahid ni Isadora ang luha sa mga mata.
Vernon : O umiiyak ka yata?
Isadora : Hindi. Wala ito. Teka muna, nakuha mo na ba?
Vernon : Oo. Nilimas ko lahat ang alahas at pera ni Marko sa safety.
Isadora : Talaga? Naku mabigat-bigat ito a, malayo ang mararating natin nito. O sige! Sandali lang Vernon ha, hihintayin ko lang si Sofia.
Vernon : Sige
Isadora : O ihanda mo na ang sasakyan. Sige na, bilisan mo na!
-Iniwan na ni Vernon si Isadora upang ihanda ang kanilang sasakyan. Hindi kaagad napansin ni Isadora ang pagdating ni Sofia, lumapit si Sofia sa ina.
Isadora : Anak. O mabuti dumating ka. Ahm halika na! Lalakad na tayo, nasaan ang gamit mo? (tahimik lang si Sofia) Sofia! Nasaan ang gamit mo? Bilisan mo na, hinahanda na ni Vernon yung sasakyan ha. Alam mo, akala ko iindyanin mo ako eh. O lalakad na tayo ha. May problema ba?
Sofia : (umiiyak) Mommy, may kasama ako
-Lumabas ang may hawak na baril na si Catherine. Bagaman at nagulat si Isadora ay matapang pa rin nitong hinarap si Catherine.
Isadora : Balak mo talagang sumama sa bakasyon naming pamilya. Ha? Napaka-cheap mo talaga Catherine.
Catherine : Hindi ka makakaalis Isadora.
-Tinutukan ng baril ni Catherine si Isadora. Nang-aasar na itinaas ni Isadora ang kanyang mga kamay.
Isadora : Masyado namang mainitin ang ulo mo. Masyado kang pabigla-bigla. Okey fine! Sige, sumama ka na. O pero buntot lang ha? Tapos KKB ha.
Catherine : Hindi ako nakikipagbiruan sa iyo ha. Marami kang dapat pagbayaran at panagutan.
-Patakbong lumapit si Sofia sa kapatid.
Sofia : Alam na nya ang lahat 'ma.
Isadora : (nameywang) Teka nga muna... anong alam nya?
Sofia : Na kayo ang nasa likod ng ambush ni Tito Enrique. At ng kayo ang pumatay sa Tatay Rolando namin ‘ma.
Isadora : So talagang tinraydor mo na ako?
Sofia : I’m sorry 'ma, pero mali yung ginawa nyo.
Isadora : MALI ANG GINAWA KO, PERO NANAY MO PA RIN AKO
Sofia: AT TATAY NAMIN ANG PINATAY NYO. KAPATID KO ANG INIIPIT NYO.
Isadora : O sige! Magkapatid kayo? Magsama kayong dalawa! Tutal hindi ko naman kayong dalawa kailangan eh. O, GAME NA!
- Biglang kinuha ni Isadora ang baril na nakasukbit sa kanyang pantalon at tinutukan ang magkapatid. Hinaharangan ni Catherine si Sofia para protektahan mula kay Isadora.
Isadora : Sige! Ano Catherine (tumawa) kaya mo? Ha? Sige GAME! Sige! O, ba't parang nanginginig ka? SIGE! Iputok mo! Kaya mo na akong patayin, ha? Kaya mo na akong patayin? Iputok mo! Para sa bandang huli... pareho lang tayo. Pareho tayong mamamatay-tao!
Catherine: (umiiyak sa galit) Walanghiya ka
Isadora: Sige! IPUTOK MO!

Nasa malapit lang ang armado rin ng baril na si Miguel, patuloy na hinahanap ang ina. Tinawagan niya sa cellphone si Raphael, nasa sasakyan sina Raphael at Toby kasama ang ilang tauhan.
Raphael : Hello
Miguel : Hello Raphael, si Miguel 'to. Nandito na ako sa Amadesto kaya lang hindi ko makita si Mommy. Sobrang laki ng lugar na ito.
Raphael : Okay, papunta na rin kami roon. Tumawag nga sa amin si Sofia e. Magkikita sila ni Isadora. Miguel, magkasama ngayon si Sofia at si Catherine
Miguel : Ano? Magkasama si Sofia at si Catherine?
Raphael : Hindi ko alam kung ano ang balak ng magkapatid. Medyo masama ang kutob ko. Miguel, kailangan mo silang mahanap. Papunta na rin kami
Miguel : O sige, sige!

Nakatutok pa rin ang baril nina Catherine at Isadora sa isa't isa.
Isadora : O sige pagbibigyan kita. (dumipa) O wala na akong baril ha. Chance mo na para maasinta mo akong mabuti. Sige iputok mo na Catherine, iputok mo na!
-Galit na galit man ay hindi magawang iputok ni Catherine ang baril... sadyang hindi nya kayang pumatay ng tao. Humahagulhol na ibinaba ni Catherine ang baril. Kinuha ni Sofia ang baril kay Catherine
Isadora : HAHAHAHA! Tsk! Tsk! Napakahina! Napakahina talaga ng babaeng ito! AKO NAMAN!
Sofia : MA HUWAG!!! (Iniharang ang katawan kay Catherine)
Catherine : Sofia
Isadora : Ako na ngayon ha? Tumabi ka dyan! Baka matamaan ka Sofia, tabi dyan!
Sofia : No 'ma. I won't let you hurt her, she's my sister!
Isadora : She's my sister! Sige, magsama kayong dalawa. Sige magkampihan kayong dalawa. Gusto nyo ng aminan? Sige, mag-aminan tayo! Oo, si Vernon ang nagplano para patayin at i-assassinate si Enrique Torralba. Oo, ako ang pumatay kay Rolando. Pero akala nyo, alam nyo na ang lahat. Akala nyo alam nyo na ang lahat sa akin? Hahahaha! Hindi pa! Hindi nyo pa alam ang lahat sa akin!
Catherine : Sige, sige Isadora ILABAS MO NA LAHAT NG BAHO MO!
Isadora : Sige! Gusto mong ilabas ko ha? At ipagmamalaki ko... na sa lahat ng nagawa ko, hanggang ngayon nakatakas parin ako. Alam nyo kung ano pa ang ginawa ko? Hindi nyo alam na AKO ang bumaril kay Estelle. Alam nyo rin ba, na AKO Catherine ang nag-frame up sa 'yo. At higit sa lahat… ako ang nakapatay sa Lola Aura mo. Narinig mo? Ako ang nakapatay sa LOLA MO!
-Sandaling natulala si Catherine sa narinig mula kay Isadora, kapagkuwa'y dahan-dahang lumapit kay Isadora. Napaurong ang kriminal na si Isadora, mahigpit pa rin ang hawak sa baril.
Catherine : Hayop ka! AHHHHH!!!
-Inagaw ni Catherine ang baril mula sa kapatid, pero hindi nya ito nakuha. Sinugod ng galit na galit na si Catherine ang pumatay sa kanyang ama at lola.
Isadora : HEP HEP! Dyan ka lang! Papuputukin ko talaga ito. Hanggang dyan ka lang. Kahit kailan Catherine, napaka-predictable mo, asarin lang kita ng konti, lumalabas ka na. O ngayon, pwedeng pwede na kitang patayin talaga.
Sofia : Hindi ako papayag 'ma! (tinutukan ng baril ang ina)
Catherine : Sofia, Sofia umalis ka dyan. Sofia tama na!
Isadora : (nagulat sa ginawa ng anak, napaiyak) Sofia! Bitawan mo yang baril. Sofia hindi mo alam ang ginagawa mo, bitawan mo ang baril.
Catherine : Hayaan mo ako Sofia, hayaan mo na ako
Isadora : Sofia nanay mo ako. Ako ang nanay mo
Sofia : Tama na ang patayan 'ma. Tama na!
Isadora : Sofia ibaba mo yang baril
- Biglang singunggaban ni Catherine ang baril na hawak ni Isadora, at nag-agawan silang dalawa sa baril... nanaig ang lakas ni Isadora at natumba si Catherine... pinaputukan ni Isadora si Catherine subalit humarang si Sofia at ito ang natamaan sa braso. Nagimbal si Isadora nang makitang duguan ang anak.

Narinig ni Miguel ang putok ng baril at tumakbo ito sa pinanggalingan ng putok.

Nilapitan ni Isadora si Sofia pero hindi sya hinayaan ni Catherine na makalapit kay Sofia. Dumating si Vernon at pilit na hinahatak si Isadora kasi darating na raw ang mg pulis. Habang papalayo ay umiiyak na humihingi ng sorry si Isadora kay Sofia at nangakong babalikan niya ito. Yakap-yakap ni Catherine ang duguang kapatid.
Catherine : Sofia, Sofia... huwag mong iiwan ang ate. Huwag mong iiwan si ate ha? Huwag mo akong iiwan Huhuhu! Sofia, ipangako mo sa akin. Sofia ipangako mo yan ha?

Nakarating na sina Raphael. Pagpara ng sasakyan ay kaagad silang nagtakbuhan patungo sa pinanggalingan ng putok na kanila ring narinig.

Naramdaman ni Vernon na may mga sumusunod sa kanila ni Isadora.
Vernon : May mga sumusunod sa tin a. Kailangang iligaw ko muna sila.
Isadora : O sige, doon na muna ako. Akina muna yang pera.
Vernon : Bakit?
Isadora : Ako na ang magtatago
Vernon : Baka onsehin mo ako
Isadora : Ano ka ba naman Vernon? Ngayon pa ba naman tayo maglolokohan?
Vernon : (Ibinigay ang bag) O sige ingatan mo yan ha
-At tumakbo sa magkahiwalay na direksyon sina Isadora at Vernon.

Nakasalubong ng grupo nina Raphael at Toby ang duguang si Sofia na inaalalayan ng isang tauhan ni Raphael. Kaagad na nilapitan ni Toby si Sofia.
Tauhan : Sir, nakita namin sila sa kagubatan. Sabi ni ma'am Catherine, kailangan daw madala si Sofia sa ospital.
Raphael : Okay. Nasaan si Catherine?
Sofia : Si ate. Hinabol nya si Mommy at Vernon.
Raphael : Okay, ako na ang bahala. Toby, siguraduhin mo na madadala si Sofia sa ospital, okay?
Toby : Okay kuya.
-Iginiya na ni Toby sa sasakyan si Sofia upang madala sa ospital. Naghiwa-hiwalay sina Raphael at mga kasamang pulis at mga tauhan para hanapin sina Vernon at Isadora.

Nagkasalubong sina Vernon at Raphael. Nagsuntukan ang dalawang lalaki. Galing talaga ng Raphael ko, napatumba nya si Vernon... kinuha ni Raphael ang baril ni Vernon. Sa pag-aakalang talagang napabagsak na ni Raphael si Vernon ay tumalikod ito para tawagan sa cellphone ang mga tauhan. Tumayo si Vernon at pinukpok ng kahoy si Raphael... huhuhu! bagsak si Raphael ko, pinulot ni Vernon ang baril na nabitawan ni Raphael. Itinutok ni Vernon ang baril kay Raphael.. pero narinig ni Vernon ang paparating na mga tauhan ng congressman kaya iniwanan na lang nito si Raphael... haaay salamat!

Nang makita ni Catherine si Isadora ay kaagad nya itong pinukpok ng kahoy sa likuran. Hindi tinigilan ni Catherine ang pagpukpok kay Isadora... sa kakailag ni Isadora kay Catherine ay nahulog ito sa kumunoy. Humingi ng tulong si Isadora kay Catherine. Unti-unting lumulubog si Isadora sa kumunoy. Kumuha ng stick si Catherine para kapitan ni Isadora pero ayaw bitawan ni Isadora ang bag na naglalaman ng mga ninakaw ni Vernon kay Marko Silvestre. Pinabibitawan na ni Catherine ang bag kay Isadora para makakapit ito sa stick na hawak, pero ayaw ni Isadora kasi hindi raw nya puedeng iwanan ang bag kay Catherine. Iniwanan ni Catherine si Isadora upang humingi ng tulong. Takot na takot si Isadora, ulo na lang ang nakalabas sa kumunoy.

Haay salamat dumating na ang mga pulis at tinulungan nilang makatayo ang Raphael ko.

Nakita naman ni Miguel ang tumatakbong si Catherine. Ipinaalam ni Catherine na nahulog ang mama ni Miguel sa kumunoy at kaagad nila itong pinuntahan. Pagbalik nina Catherine sa kinahulugan ni Isadora ay wala na ito, umiiyak na hinanap ni Miguel ang ina. Pasigaw na humingi ng tulong si Miguel, iniyakan nito ang pagkawala ng ina.

Pinuntahan nina Sofia at Toby ang kumunoy na lumamon kay Isadora, may bandage sa braso ang umiiyak na si Sofia.
Sofia : Hindi ko akalain na ganito matatapos ang lahat Toby. Ang Amadesto. Ang lupang matagal nang kinakamkam ni Mommy... iyon din pala ang mansisingil sa kanya.
Toby : I'm sorry Sofia. I'm sorry.
-Inihilig ni Toby ang ulo ng umiiyak na si Sofia sa kanya.

Pinuntahan ni Miguel si Scarlet sa bahay nito.
Miguel : Gusto mo daw akong makausap?
Scarlet : Oo Miguel. Gusto ko kasi sanang magpaalam sa iyo eh. Gusto ko nang umalis ng Pilipinas at isasama ko si Maggie, kung okay lang sa iyo.
Miguel : Saan kayo pupunta?
Scarlet : Hindi ko pa alam. Puedeng sa Canada o kaya sa Alaska. Kung saan konti lang ang tao. Allergic na ako sa tao eh.
Miguel : (bumuntong-hininga) Ako din. Parang naisip ko na mas mabuting umalis na rin ako. Wala na akong buhay dito.
Scarlet : Papaano si Catherine?
Miguel : Kahit anong gawin ko, hindi na mapapasaakin si Catherine. Ganun yata talaga. Kailangan ko nang tanggapin. Hindi ko na kayang ipilit ang sarili ko sa taong talgang ayaw na sa akin.
Scarlet : (matamlay na ngumiti) Iyon din ang iniisip ko eh.
Miguel : Kailan nyo balak umalis?
Scarlet : Pagkatapos na ng hearing ni Catherine. Magte-testify ako... this time para tulungan naman sya.

0 comments:

All images and videos that appear on this site are copyright of their respective owners and Missing Pinas claims no credit for them unless otherwise noted. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please contact us and they will be promptly removed.

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP