Sunday, July 20, 2008

Iisa Pa Lamang - Episode 1

Super love ko si Gabby Concepcion kaya habang nanunood ay sinusulat ko rin ang napapanuod kong eksena para puede kong balik-balikan at paulit-ulit kiligin (haaay gabbylicious talaga! hahaha)

Malamig ang gabi, umuulan. May dalawang nilalang na nagniniig - sina Catherine Ramirez (Claudine Barretto) at Miguel Castillejos (Diether Ocampo)

Catherine : Kapag ang tao nagmahal hindi na mahalaga kung ano ang mali o tama. Kung sino ang humingi at nagbigay. Kung sinong nanalo, kung sinong talunan. Ang alam mo lang nagmamahal ka. Ang alam ko lang, mahal ko sya! Mahal ko sya!

FLASHBACK

May party sa mansion ng mga Castillejos. Manghang mangha ang batang si Catherine sa paligid.
Catherine : Wow! Ang gaganda naman ng mga suot nila. Ang yayaman naman!
-Nagtago ang si Catherine sa ilalim ng buffet table nang makita na paparating si Don Victor Castillejos (Chinggoy alonzo)

Naglalakad lakad naman ang batang si Miguel, nakita nito ang batang babae at sinita
Miguel : Hoy! Hoy! Sino ka? Ano ang ginagawa mo dito? Imbitado ka ba? Umalis ka na nga! (itinulak si Catherine) Ang pangit pangit ng damit mo e.

Nakita ng ina ni Miguel na si Isadora (Cherry Pie Picache) ang batang si Catherine. Lumapit ito sa mga bata.
Isadora : Naku! Ang ganda ganda mo namang bata ka. Ahm anong pangalan mo?
Catherine : Catherine po
Isadora : Kaninong anak ka?
Catherine : (nag-isip) Mayor! Mayor ng malayong malayong lugar.
Miguel : Naku! Huwag kayong maniniwala diyan, tagarito yan. Anak po ng tauhan iyan. Nagsisinungaling ka pa e (kay Catherine sinasabi)
-tumaas ang kilay ni Isadora sa narinig na sinabi ng anak

Sa labas ng party. Inabangan ni Catherine si Miguel, nang makita ay binatukan ang batang lalaki.
Catherine : Hoy! Ano bang atraso ko sa iyo ha? Bakit mo ako pinahiya? Ha? O ano ngayon, tayong dalawa na lang dito (hinamon ang batang lalaki)
Miguel : Ang lakas ng loob mo, kakasa ka ba? (itinulak tulak si Catherine)
- May dumaang ilang tauhan
Tauhan 1 : Iyan ang bago nating amu amuhan.
Tauhan 2 : Hindi naman anak ni Don Victor iyan eh.
Tauhan 3 : Talaga?

Dahil sa mga narinig ay tumakbo si Miguel, sinundan siya ni Catherine.

Ipinakilala ni Don Victor ang asawang si Isadora kay Mayor Enrique Torralba (Jaime Fabregas) at asawa nitong si Estelle (Laurice Guillen), at sa mga anak nitong sina Rafael at Toby (baby).
Mayor Enrique : Naghahabol lang sa panahon
-Nagkatawanan ang grupo
Mayor Enrique : Ikaw nga itong mas dapat maghabol dahil baka sa iyo matapos ang apelyidong Castillejos. Sayang naman.
Don Victor : I legally adopted Isadora's son.

Sa imbakan pumunta si Miguel, nakasunod sa kanya si Catherine.
Catherine : Hoy bata! Anong ginagawa mo dito?
Miguel : Pakialam ko sa iyo. Umalis ka na nga (itinulak si Catherine)
Catherine : Ang dami ng bisita sa mansion nyo ah. Hinahanap ka na nila.
Miguel : PARA ANO? PARA PAGTAWANAN?
Catherine : Bakit ka naman nila pagtatawanan? Eh anak ka ni Don Victor. Ang swerte swerte mo nga sya ang pinakamayaman dito sa Hacienda Amadesto, at ikaw ang pangalawang pinakamayaman, kasi anak ka nya.
Miguel : HINDI NYA AKO ANAK. HINDI KO SYA PAPA. HINDI.
-Tinabig ni Miguel ang mesang may nakapatong na gas lamp, nagliyab ang imbakan. Sumisigaw na humihingi ng tulong ang dalawang bata na nakulong sa nasusunog na imbakan.

Ipinaalam kaagad kay Don Victor ang nangyaring sakuna. Nagpuntahan ang mga tao sa imbakan. Matapang na pumasok sa nagliliyab na imbakan ang binatilyong si Miguel at iniligtas ang dalawang bata. Dumating ang LIPA CITY fire truck.

Sa bahay ng mga Ramirez, yakap yakap si Catherine ng inang si Ana (Bing Pimentel) at naghahanda naman ng pampunas sa apo si Lola Aura (Susan Roces)
Lola Aura : Naku! Bata ka, ubod ka ng likot. Mabuti na lang hindi ka nasunog.
Rolando (Joel Torre) : Inay, tama na po. Buti nga hindi nalitson itong si Catherine e.
Lola Aura : Sa kalikutan mong yan, kung hindi lang kita mahal, nabambo na kita.

Sa mga Castillejos. Pinagagalitan at sinasaktan ni Isadora ang anak na si Miguel.
Isadora : NAPAKASUTIL MO HA. NAPAKABOBO MO HA. ANG BOBO MO, WALA KANG UTAK! ISANG ARAW KA PALANG DITO, IYAN NA ANG GINAWA MO. ALAM MO BA KUNG ANO ANG HALAGA NG SINUNOG MO HA? ALAM MO BA? ALAM MO BA HA?
-Umiiyak si Miguel

Sa mga Ramirez
Ana : Kaya laging kang mag-iingat ha. Ayoko nang maulit ito. Muntik na akong mamatay sa pag-aalala sa iyo.
Catherine : Inay, huwag po kayong umiyak. Baka lalo kayong magkasakit.

Sa mga Castillejo
Isadora : Pumunta ka sa Papa Victor mo, mag-sorry ka. Magsorry ka (hinampas muli ang anak)
Miguel : Hindi ko siya papa, nasa Maynila ang tatay ko. INIWAN MO LANG DAHIL SA PERA NG MATANDANG VICTOR NA IYAN.
Isadora : (Galit na galit) BAWIIN MO ANG SINABI MO! BAWIIN MO!
Miguel : MUKHA KANG PERA! TALAGA! MUKHA KANG PERA! (umiiyak)
Isadora : (sinampal ang anak) MUKHA AKONG PERA HA? MUKHA AKONG PERA? HINDI MO BA ALAM? LAHAT NG SUOT MO - BIGAY NG PAPA VICTOR MO. (Inumpisahang hubaran ang anak, hanggang halos wala nang natira sa suot ng anak) IYAN, IYAN BIGAY NYA YAN, ITO BIGAY NYA TO. IYONG TATAY MO, PINAGMAMALAKI MO, ANG WALANGHIYANG YON, ANG SANGGANONG YON. NI SAKO HINDI KA MAIBILI.
-Pinagsasampal ni Isadora ang anak. Dumating si Don Victor para awatin si Isadora sa ginagawa, pero hindi nagpapigil si Isadora at pinalayas ang anak. Tumakbo palabas si Miguel.

Nakita ni Catherine si Miguel sa batis.
Catherine : Hoy! Bakit nakahubad ka? Ay, bakit ang dami mong pasa? Sa sunog ba yan? Ako naman wala.
-Hinubad ni Catherine ang sweater na suot at ibinigay kay Miguel
Catherine : Ito, hiramin mo muna. Nag-iisa na kasi ito e, pero isauli mo kaagad ha.
-Tumayo si Miguel at isinauli kay Catherine ang sweater at itinulak ang bata, nakita ni lola Aura ang ginawa ng batang lalaki.
Lola Aura : Hoy! ano bang problema mo bata ka? Kababaeng tao, pinapatulan mo.
-Dumating si Isadora, pinapayungan at may mga kasamang bodyguard.
Isadora : Oo nga, lapit pa ng lapit sa anak ko, kababaeng tao. (hinila si Miguel) Halika na! Lika, magbihis ka nga. Itigil mo na yang drama mo. halika rito o.
-Nilapitan ni Isadora si lola Aura.
Isadora : Ako ng pala si Isadora. Ikaw si Aura di ba? Iyong nakatira sa gilid ng hacienda namin.
lola Aura : Sa gilid nga kami nakatira, pero ang gilid na iyon ay lupa namin.
Isadora : Sabi ko nga kay Victor, yong bahay na bulok doon sa gilid, pangit, pangit sa view.
-hindi pinatulan ni lola Aura ang panglalait ni Isadora.

Sa ospital. Dinalaw nina Isadora, Don Victor at Miguel ang nasaktan sa sunog na si Rafael. Sinabi ni Rafael na okey na siya at puede nang lumabas. Nagprisenta si Isadora na sila ang magbabayad ng hospital bills kasi sa kanila nangyari ang sakuna. Pero sinabi ni Don Victor sa asawa na sila ang may-ari ng hospital na iyon. Nagtsikahan ang dalawang pamilya at napagkasunduan na pagsamahin na lang sina Rafael at Miguel sa isang tirahan sa Amerika, kasi pareho naman silang pupunta doon, para hindi masyadong malungkot. Dumating maglolang Aura at Catherine
Catherine : Kuya Rafael! Kuya, thank you, thank you. Ang galing mo, ang tapang mo.
Rafael : At ikaw naman ang likot likot mo talaga ha.
-Nagpasalamat si Lola Aura sa mga magulang ni Rafael.

Namamasyal sa hacienda sina Miguel at Catherine. Pinuna ni Miguel na tila prinsesa kung maglakad si Catherine, sinabi ng batang babae na prinsesa talaga siya at kilala siya sa lugar na iyon. Tinanong ni Miguel kung sino ang prinsipe ni Catherine, sinabi naman ni Catherine na bata pa siya. Nilinaw ni Miguel na ang ibig niyang sabihin ay kung sino ang paboritong kasama at kalaro ni Catherine. Eh mamimili pa raw siya sabi ni Catherine, magpipresenta sana si Miguel na prinsipe ni Catherine
Catherine : Hindi ka papasa sa akin. Kasi lampa ka! Ni hindi ka nga marunong sumakay ng kabayo, umakyat ng puno o mag-gatas ng baka. Wala kang alam dito.
Miguel : Eh kung itinuturo mo na lang kaya sa akin. Bakit si kuya Rafael ba, alam ba ang mga iyon?
Catherine : Oo naman no. Si kuya Rafael - maabilidad na, gwapo pa! Eh ikaw - matakaw, masungit. Mukha ka na ngang siopao eh
-Nagkakatuwaan na naghabulan ang dalawang bata


Sa bahay ng mga Ramirez
Ana :
Eh sabi po ni Rolando, bumili daw po ng bagong makinarya si Don Victor. Para daw mapabilis ang trabaho
Lola Aura : Oo, napabilis pero marami namang gutom kasi walang trabaho. Iyang si Victor, oo kahit na kapatid ko siya sa ama kapagka minsan naman hindi ko naman sinasangayunan at ikinahihiya ko yung mga diskarte niya. Balita nga eh, sinanla daw ni Victor ang buong asyenda sa bangko.
-Nawalan ng malay si Ana at bumagsak sa sahig.

Miguel : Hanggang kailan raw ba ang nanay mo sa ospital?
Catherine : Hindi ko alam. Matagal na kasi siyang maysakit eh. Dati, naisip ko, okey lang maging mahirap pero ngayon nalulungkot na ako, sana naging mayaman na lang kami eh. Kasi si nanay maysakit, hindi na nga ako natutulog sa gabi eh. Binabantayan ko na lang si nanay, kasi baka biglang huminto ang pghinga nya. Ayoko syang mamatay, ayoko, ayokong syang mamatay huhuhu!
-Niyakap ni Miguel ang umiiyak na kaibigan

Kinakausap ni Isadora ang anak. Tinanong ni Miguel ang ina kung marami talaga itong pera. Nagyabang si Isadora sa anak, sinabi ni Miguel na tulungan ni Isadora ang nanay ni Catherine - ipagamot ito sa Maynila. Pag-iisipan daw ni Isadora ang "business proposal" ni Miguel.

Pinag-impake ng maraming damit ni Rolando sina Lola Aura at Catherine para kay Ana - luluwas sila ng Maynila kasi pinahiram daw siya ng pera ni Ma'am Isadora. Makakapagpaopera si Ana, natuwa sina Catherine at lola aura

Catherine : Hulog ng langit ang tulong na dumating sa amin, sa wakas gagaling na si nanay (pinapakita na masayang magkakasama sina Rafael, Miguel at Catherine). Sandali kong nakalimutan ang mga problema dahil kina kuya Rafael at Miguel. Dahil sa mga kaibigan ko, nagkaroon ako ng bagong pag-asa, hindi nagtagal nakabalik si nanay galing Maynila - tagumpay daw ang operasyon! Pero si nanay, nag-iba na mula noon

Miguel : Magaling na ba nanay mo?
-Pinapakita ang malungkot na si Ana
Catherine : Oo, pero para siyang nagbago eh - sumungit.
Ana : Miguel, Si Rolando ba, palaging nasa bahay nyo?
Miguel : Opo. Nagkukwentuhan nga po sila ni Mommy, saka ang gulo nga po nung listahan nung ano e
-tumango tango si Ana

Kinausap ni Lola Aura si Don Victor
Lola Aura : Magkaliwanagan nga tayo Victor. Mananahimik ka na lang ba sa mga pangyayari?
Don Victor : Huwag mag-eskandalo Aura
Lola Aura : Bakit? bakit, nahihiya ka na malaman ng mga tao ang kawalang-hiyaang ginawa ng asawa mo?
Don victor : Aura, huwag mo siyang pagsalitaan ng ganyan. Asawa ko na si Isadora.
Lola Aura : Asawa na dinungisan ang pangalan mo, mananahimik ka na lang ba? hindi ko maintindihan kung bakit nagbubulag bulagan ka. Ano bang pinakain sa iyo ng Isadorang yan at pati prinsipyo mo nawala na? Ipangako mo lang sa akin na hindi papakialaman ng Isadorang yan ang buhay naming maglola. Victor, kilala mo ako. Ipinaglalaban ko kung ano ang para sa akin.

Dinala ni Miguel sa mansion ang mag-inang Ana at Catherine. Nagmamasid-masid si Ana sa mansion, habang sina Catherine at Miguel ay nasa may piano. Humahangos na lumabas si Ana at niyaya ang anak na umalis na. Nakasunod kay Ana ang asawang si Rolando na hindi pa nakabutones ang damit na suot. Inatake si Ana. Ipinakita si Isadora na nakatingin at nag-aayos ng blouse na suot. Tumingin si Rolando kay Isadora.

Sa libing ni Ana, nakipaglibing rin sina Isadora at Don Victor. Nandoon din ang mga kaibigan ni Catherine na sina Rafael at Miguel. Galit na nakatingin si Lola Aura sa ama ng apong si Catherine. Pagkatapos ng libing ay nagpaalam si Rolando sa anak
Rolando : Catherine anak, magpapakabait ka ha. Tandaan mo, mahal na mahal ka namin ng nanay mo.
-Nagyakap ang mag-ama. Umalis na si Rolando, naiwan ang umiiyak na si Catherine sa lolang si Aura.

Sinisisi ni Catherine ang sarili sa pagkamatay ng ina, sana raw hindi na lang niya isinama sa mansion ang nanay niya. Inalo ni Lola Aura ang apo at sinabing wala itong kasalanan. Hindi maintindihan ni Catherine kung bakit bigla siyang nawalan ng mga magulang. Bumisita si Rafael, at pinasaya nito ang kaibigan.

Catherine : Sa pagkawala ng mga kaibigan ko, akala ko hindi na ako makaramdam ng pagmamahal. Mali ako! patuloy akong pinasaya at inalagaan nina kuya Rafael at Miguel (binigyan ng friendship bracelet ni Miguel si Catherine. Tinawag nilang "Tropang Kulit" ang grupo nila). Dahil sa kanila natuto akong ituloy ang buhay, at maging masaya uli. (Pinakita na masayang nagkukulitan sina Miguel at Catherine habang kinukunan sila ng picture ni Rafael). Sana pala hindi na lang. Dahil katulad ng lahat ng mahal ko, iiwan rin pala nila ako (nagpa-paalam ang mga kaibigan ni Catherine, pupunta silang Amerika). Sabi ni nanay noon, lumalakas ang loob niya kapag dasal siya ng dasal. Magdadasal na nga ako lagi, para hindi na lang ako nalulungkot. Kasi kawawa naman ako, lahat sila umalis na - si nanay, si tatay, si kuya Rafael at si Miguel. Pero sabi nila babalik sila, sana nga totoo iyon. Sana balikan nila akong lahat. (May natanggap na sulat si Catherine) Gaya ng pangako ni Miguel, lagi siyang sumusulat sa akin, hindi siya nakalimot. Hindi tulad ni tatay. Maraming nangyari sa paglipas ng mga taon (pinapakitang si Isadora ang namamahala sa hacienda), nagkasakit si Don Victor kaya kahit nagdadalang-tao si Ma'am Isadora, siya ang nagpapatakbo ng hacienda. Sa Amerika namatay si Don Victor (pinakita na hawak ni Isadora ang lalagyan ng abo ng asawa - pinakita sa mga tauhan ng hacienda), abo na sya ng iuwi ni Ma'am Isadora. Minsan nalulungkot pa rin ako. Matagal ko nang hindi nakikita ang mga kaibigan ko, (tinitingnan ni Catherine ang bracelet na bigay ni Miguel) pero alam ko isang araw, magkikita kita kaming muli. Si Sofia (baby ni Isadora) ang naging kalaro ko at kaibigan ko. Habang wala sina Miguel at kuya Rafael, malapit kami ni Sofia sa isa't isa. Pakiramdam ko nga, bigla akong nagkaroon ng kapatid dahil sa kanya.

Tumatakbong lumapit si Sofia kay Catherine.
Sofia (Mica dela Cruz) : Ate Catherine!
Catherine (Claudine Barretto) : Ang ganda ganda naman ng suot mo ha. Bakit may lakad ka ba?
Sofia : Wala lang po sa amin lang. Alam mo ba Ate Catherine, may party sa amin mamaya kasi si kuya Miguel darating na.
Catherine : Nagyon?

Sa mansion. Ibinabalita ni Isadora na kababalik lang ng anak niyang si Miguel - sampung taon ito sa Amerika, kumuha ng business course sa UCLA at makakatulong daw nya (isadora) sa pagmanage ng hacienda. Nandoon din sina Estelle Torralba at anak nitong si Toby. Nakita ni Sofia ang nakasilip na si Catherine, kumaway ang bata at itinuro ang nakatalikod na kuya Miguel (Diether Ocampo) nya. Nang matapos ang welcome speech ni Isadora para sa anak ay nagpalakpakan ang mga bisita. Lumapit si Toby kay Sofia. May lumapit kay Catherine na isang lalaki at binigyan siya ng bulaklak. Natawag nila ang pansin ni Miguel, tumingin ito kay Catherine.
Nagtama ang paningin nina Miguel at Catherine.
Lalaki : Aalis ka na?
Catherine : May naiwan kasi ako sa may imbakan na imbentaryo eh.
-habang kausap ang lalaki ay hindi pa rin maalis ni Catherine ang tingin niya kay Miguel, ganun rin si Miguel - nakatitig rin kay Catherine.
Lalaki : A e Samahan na kita
Catherine : Hindi na, kaya ko na
-Umalis na si Catherine

Sa imbakan ay tahimik na nagi-imbentaryo si Catherine, hindi niya namalayan ang pagdating ni Miguel. Ginulat ni Miguel ang dalaga.
Miguel : Wahahaha!
Catherine : Ay! Walanghiya ka talaga! Ginulat mo ako ah
- Lumapit sa pintuan si Catherine, pero nakakandado ito. Pilyong ipinakita ni Miguel ang susi.
Catherine : Buksan mo yan! Buksan mo yang pinto, mainit dito.
-Umupo si Miguel at tila wala itong balak buksan ang pintuan.
Miguel : Grabe! Ang ganda mo na
Catherine : BUKSAN MO IYANG PINTO, KUNG HINDI MAGSISISIGAW AKO DITO!
-Tumayo si Miguel upang buksan ang pinto. Habang binubuksan ang kandado ay bigla nitong hinalikan sa labi ang nagulat na si Catherine.
Miguel : I miss you!
Catherine : (sinampal ang binata) Walanghiya ka!
-Kinuha ni Catherine ang walis tingting at iniambang na ihahampas sa binatang nagnakaw ng halik.
Catherine : Walanghiya ka! Pa i miss, i miss you ka pa. Gusto mo? (itinaas ang walis). BUBUKSAN MO BA IYAN O HINDI?
Miguel : Oo. Sandali lang, masyado kang violent.
Catherine : Ang kapal ng mukha mo! Buksan mo iyan!
Miguel : Oo, sandali lang, ikaw talaga oo. Ibaba mo na yan. O ito na binubuksan na.
-Nang mabuksan ang pintuan, saka pa lang binitawan ni Catherine ang walis tingting, saka umalis. Naiwan ang nakangiting si Miguel.

Kinabukasan. Naglalakad sa hacienda si Catherine ay nakabuntot sa kanya si Miguel.
Catherine : Bakit ka ba sunod ng sunod sa akin ha?
Miguel : Ito naman o, ako na nga ang nagso-sorry sa iyo. Sorry na nga! Para kiss lang kasi.
Catherine : Hoy! Kung inaakala mo ha, na kagaya ako ng mga babae mo sa Amerika, nagkakamali ka. At kahit anong gawin mo, BWESIT ako dyan sa mukha mo!
-Nakangiting pinagtitinginan sila ng mga tauhan sa hacienda.
Miguel : Gusto mo maghubad pa ako dito.
Catherine : Gawin mo gusto mo
Miguel : Talaga ha (inumpisahan ang paghuhubad)
-Nang makita ni Catherine ang ginagawa ng binata, ay tumalikod ito at tinakpan ang bibig
Catherine : Ano ka ba? Ang bastos bastos mo talaga eh. Iakyat mo iyan (pants ni Miguel). Ay naku! Ano ba?
-Sinimulang itaas ni Catherine ang pantalon ni Miguel
Miguel : Sorry na nga e. Ano ba?
Catherine : Ano ba? ano ba? Ayusin mo nga yan.
Miguel : Sabihin mo muna na okey.
Catherine : Okey na nga, okey na. Ang bastos bastos mo talaga!
-Pinulot ni Miguel ang damit na hinubad.
Miguel : Peace na tayo ha. Cute mo talaga ano? O ano yan? (kunyari may tinitingnan sa mukha ng dalaga). Ito o, teka (sabay halik kay Catherine)
-Bago pa nasampal ni Catherine ang binata ay tumakbo na ito, pero dahil nakababa ang pantalon ay napasubsob si Miguel. Napatawa na lamang si Catherine habang hinahabol ang tumatakbong si Miguel hawak hawak ang pantalon na hindi pa masyadong naitataas.

Habang nagkukwentuhan sina Miguel at Catherine ay umiinom sila ng alak (red wine?)
Miguel : Mukhang uulan a, tsk! tsk! Kumusta ka na ba? Anong balita sa iyo?
Catherine : Ito, gagraduate na isang taon na lang. Pero nag-iipon pa kami ng lola ko eh.
Miguel : E tatay mo, anong balita? Bumalik na ba?
Catherine : Ayoko siyang pag-usapan.
Miguel : Eh sino naman iyong lalaking buntot ng buntot sa iyo? Boyfriend mo yon ano?
Catherine : Ano ka? Hindi kaya.
Miguel : Hindi ha?
Catherine : Pakialam mo? Kung ikaw kaya tanungin ko, kung may girlfriend ka?
Miguel : Girlfriend?
Catherine : Nobya!
Miguel : E marami ako nun e. Kung minsan nga nagdadalawa pa. Pag siniswerte tatlo, alam mo na. Pero ngayon wala. Pero iyong pinakamatagal ko, si Scarlet - iyon yung matyaga e.
Catherine : Scarlet!?
Miguel : Oo, ikaw?
Catherine : Ummm anong ako?
Miguel : Ikaw, wala bang nanliligaw sa iyo?
Catherine : MARAMI! Marami pero wala naman akong sinasagot, wala pa akong boyfriend.
Miguel : E kung ligawan kita?
Catherine : Sira-ulo ka ba?
Miguel : Bakit? Anong masama doon?
Biglang bumuhos ang malakas na ulan
Catherine : Ayan na, tingnan mo - umuulan na.
Miguel : Anong gagawin natin? E di maligo tayo sa ulan.

Magka-akbay na tumatakbo sina Catherine at Miguel sa ulanan. Pinapayungan ni Miguel ng kamay niya ang ulo ni Catherine (sweeet!)
Miguel : Grabe, nababasa rin tayo dito e.
Catherine : Eh kung ... (na-out balance si Catherine, nasalo siya ni Miguel - nagkatitigan ng malagkit ang dalawa)
Miguel : Doon tayo sa imbakan, tara!

Sa imbakan, nagsindi ng gas lamp si Catherine.
Catherine : Baka makasunog na naman tayo. (Napansin na nakatitig sa kanya ang kasamang binata) Huwag mo nga akong tingnan ng ganyan.
-Tumayo si Miguel at lumapit sa basa ring si Catherine, at nagparamdam na gusto niyang magtalik sila
Catherine : Miguel, ayoko
Miguel : Wala kang dapat ikatakot. Kilala mo ako, hindi kita sasaktan
Catherine : Ayoko
Miguel : Catherine
- Nagtalik ang dalawa. Pumapailanlang ang theme song na IISA PA LAMANG.

Catherine : Kapag ang tao nagmahal hindi na mahalaga kung ano ang mali o tama. Kung sino ang humingi at nagbigay. Kung sinong nanalo, kung sinong talunan. Ang alam mo lang nagmamahal ka. Ang alam ko lang, mahal ko sya! Mahal ko sya!

Tila na ang ulan. Magkayakap na nakahiga sa papag sina Catherine at Miguel. Tumayo si Catherine at lumabas ng kubo, sinundan siya ni Miguel.
Miguel : Catherine, bakit? (hinawakan ang paalis na si Catherine)
Catherine : Ano ba?
Miguel : What's wrong?
Catherine : Kailangan ko nang umalis, hinahanap na ako ng lola ko.
Miguel : Ha?! Maaga pa naman e. (hinaharangan ang daraanan ni Catherine)

May tumatakbong lalaki na dumating ... si Rafael Torralba. Nakita ni Rafael ang ayos ng dalawa (nagbubutones ng damit si Catherine)
Rafael : Ano yan? Anong nangyayari?
Miguel : Hindi mo sinabing uuwi ka.
Rafael : Wala namang ... wala naman akong pinagsabihan na darating ako e.
-Nakilala ni Rafael ang babae na kasama ni Miguel
Rafael : Catherine?!
Catherine : Rafael?!

0 comments:

All images and videos that appear on this site are copyright of their respective owners and Missing Pinas claims no credit for them unless otherwise noted. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please contact us and they will be promptly removed.

  © Blogger templates The Professional Template by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP